Monday, January 23, 2012

'Kapamilya Deal or No Deal' Returns on Philippine TV with New Host Luis Manzano

Muling nagbabalik ang gameshow na minahal ng sambayanan, ang Kapamilya Deal or No Deal!
 

Noong nakaraang taon pa lamang ay usap-usapan na ang pagbabalik TV ng gameshow na “Kapamilya Deal or No Deal” sa ABS-CBN. Sa pagbubukas ng taong 2012 ay sinimulan na ng Kapamilya Network ang paghahanap sa mga bagong 26K Girls na hahawak sa 26 brief cases na kung saan nakapaloob ang halagang mula P1 – P2-M.
 
Ang “Kapamilya, Deal or No Deal” ay nagsimula umeere sa Philippine Television noong June 2006 hosted by Queen of All Media Ms. Kris Aquino. Nakatatlong season ang nasabing gameshow at huli itong nasilayan sa TV noong March 27, 2009.
 
Pagkalipas ng halos tatlong taon ay muling ibinabalik ng ABS-CBN ang  Kapamilya Deal or No Deal. Ngunit hindi na si Kris ang magiging host nito. Gaya na rin ng nabanggit sa kaniyang sariling morning show na “Kris TV”, ang anak ng Star for All Seasons na si Luis Manzano na ang bagong host ng gameshow sa pagbabalik nito. Ayon kay Kris, magsisimula na siyang gumawa ng isang primetime drama series entitled “Kailangan Ko’y Ikaw” with Anne Curtis and Mr. Robin Padilla starting February kaya hindi niya magagampanan ng “full-time” ang paghohost ng nasabing gameshow.
 
Well deserved naman na maging host si Luis Manzano ng Kapamilya Deal or No Deal. Napatunayan na ang galing niya sa pag-hohost sa mga previous shows niya sa Kapamilya gaya ng “Panahon Ko 'To!: Ang Game Show ng Buhay Ko,” “Laugh Out Loud,” “Pilipinas Got Talent Season 2” at “E-Live!”. Dahil na rin sa kahusayan sa pag-host ay naparangalan na si Luis ng ilang beses bilang “Best Male TV-Host,” “Best Male Showbiz-Oriented Talk Show Host” at “Best Game Show Host”. Maliban sa kahusayan sa pag-host ng isang programa, meron ding “karisma” ang 31-year-old actor sa taong bayan kung kaya’t hindi nakakapagtaka na marami ang humahanga at sumusuporta sa kaniya.
 
Kasalukuyang ipinalalabas na sa Kapamilya Network ang teaser ng nasabing pagbabalik ng “Kapamilya Deal or No Deal”. Ang latest chika namin, after Kris TV daw ito i-eere samantalang ang “Showtime” naman ay balik noontime slot na.

Photo source: Luis Manzano Official Page
Related Posts with Thumbnails