Wednesday, November 16, 2011

Claudine Barretto and Dennis Trillo Topbill GMA-7's 'Spooky Nights Presents: Kalaro'

Tila nag-enjoy ang dramatic actors na sina Claudine Barretto at Dennis Trillo sa kanilang nakaraang stints sa “Spooky Nights”. Sa Sabado, nagbabalik sila sa naturang programa para sa susunod nitong hardcore horror feature na pinamagatang “Kalaro”.
 

Kasama ang Munting Heredera child stars na sina Mona Louise Rey at Migs Cuaderno, ang “Kalaro” ay tungkol sa isang amang naghahangad na makuha ang loob ng kanyang anak matapos ang hiwalayan nila ng kanyang asawa. Kaya lang, bubulabugin sila ng dalawang kaluluwang nagnanais na isama sila sa kabilang buhay.
 
Habang nasa ibang bansa ang asawang hiniwalayan, pagkakataon na ni Chris (Dennis) na ma-solo at makasama ang anak na si Clark (Migs). Kaya lang, mukhang si Chris lamang ang masaya dito dahil ayaw ng bata sa kanya at sa bago niyang tirahan – isang unit sa sixth floor ng isang misteryosong condominium.
 
Naiinip si Clark dahil bukod sa ang ama ang kasama niya roon, mukhang walang ibang bata sa kanilang floor at wala siyang makalaro. Buti na lamang, nakilala niya ang batang si Ena (Mona) na nakatira sa katabing condo unit at madali silang naging magkalaro.

Samantala, si Chris naman ay napapaisip dahil sa mga kakaibang pangyayari sa condo simula nang makilala niya ang ina ni Ena na si Lara (Claudine).
 
Lingid sa kaalaman nina Chris at Carl, may bumabalot na misteryo kina Lara at Ena at may kinalaman ito sa kanilang mag-ama.
 
Isang nakakatakot at heartbreaking na kwento ng mag-ama ang handog nina Direktor Uro Q. Dela Cruz at Headwriter Senedy Que sa “Spooky Nights Presents: Kalaro”.
 
Ang “Spooky Nights” ay napapanood tuwing Sabado, pagkatapos ng Manny Many Prizes sa GMA-7.

courtesy of GMA Network
Related Posts with Thumbnails